MANILA, Philippines - Gagawing isang uri ng akademya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pet project ni dating Chairman Bayani Fernando na “Gwapotel” sa Tondo, Maynila na nakakaranas ng napakalaking pagkalugi.
Sinabi ni kasalukuyang MMDA Chairman Francis Tolentino na nasa P.2 milyon na ang utang nila sa upa sa gusali na nasa Jose Abad Santos Avenue sa Tondo na hindi nababayaran dahil sa hindi naman pumapatok ang pagpa-upa sa mga kuwarto sa mga target na mahihirap na manggagawa. Ngunit sasagutin pa rin ng ahensya ang naturang upa kung saan gagawin na lamang MMDA Academy ang gusali upang higit na mapakinabangan ng kanilang mga traffic enforcers at ng publiko.
Sa naturang plano, gagawing mga seminar rooms ang unang palapag ng gusali para sa mga nahuhuling traffic violators. Dito ituturo ang mga ipinatutupad na batas trapiko, aralin ukol sa kalikasan at iba pa bilang parusa sa mga pasaway na tsuper.
Sa ikalawang palapag naman sasanayin sa kanilang “expertise” ang mga traffic enforcers ng MMDA upang lalong mapaunlad ang kanilang kaalaman sa pamamahala sa trapiko at iba pang aspeto ng tungkulin ng ahensya.
Ang ikatlong palapag, ani Tolentino ay plano niyang gawing Center for Strategic Studies for Urban Transport kung saan dito nila babalangkasin ang mga plano sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa Kamaynilaan sa mahabang panahon. Naniniwala si Tolentino na ngayon pa lamang ay dapat na nilang pag-aralan ang mga hakbangin tungo sa maayos na pamamahala sa daloy ng trapiko habang nakabinbin pa ang pag-uumpisa ng proyekto ng MRT-7 at iba pang programa sa imprastruktura ng pamahalaan.
Itutuloy naman ng MMDA ang operasyon ng isa pang Gwapotel na nasa Port Area, Maynila na kumikita naman buhat sa upa ng mga tumatangkilik dito.