MANILA, Philippines - Dala ng hinanakit umano sa pamilya bunga ng kaisipang hindi umano siya pinapahalagahan ang nagtulak sa isang binata para tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa loob ng kanyang kuwarto sa Quezon City, ayon sa pulisya kahapon.
“Sorry mamatay na ako galit pa rin ako kay Macy… cremate please kahit sa Puerto Galera lang… Sorry feel ko lang kc, ako ung matanda, ako ung t-take for granted.. lam nila Arnold chaka Jun Taba,” ito ang mga katagang nakasulat sa umano’y suicide note na nakuha ng awtoridad sa kuwarto ni Walter Domingo, 28, ng K-6 St., Brgy. West Kamias matapos na ito ay magbigti sa sarili gamit ang kumot.
Ayon kay PO2 Joy Marcelo ng Criminal Investigation and Detention Unit ng QCPD, ganap na alas-5:30 ng hapon nang matagpuan ng kanyang kaibigang si Jesus Arnold Garcia ang biktima na nakabitin sa kisame ng kanyang kuwarto. Sinabi ni Garcia at ni Rodolfo Comandante, mga kaibigan ng nasawi, nag-inuman muna sila ng biktima sa labas ng bahay nito kung saan matapos makakonsumo ng ilang bote ng wine ay pumasok ang biktima sa loob ng kanyang bahay at sa hindi malamang dahilan ay nagsimulang maghagis ng mga baso at plato sa kanyang sala.
Nagawa namang maawat ni Garcia ang biktima, pero dahil may hawak itong patalim ay sinabihan siyang iwan na lang niya itong mag-isa. Hanggang sa matagpuan na lang niya itong nakabigti.
Kuwento pa ni Garcia, bago umalis ang kapatid ng biktima na si Macy Domingo para magbakasyon sa probinsya nitong nakaraang linggo, nagkaroon umano ang dalawa ng pagtatalo kaugnay sa income ng kanilang paupahang apartment.
Nabanggit din umano ng biktima ang hinggil sa bagong kotse na binili ng kanilang tatay at binigay sa kanyang sister na si Macy.
Ang nasabing mga pahayag ang hinihinala ng awtoridad na ugat para gawin ng biktima ang nasabing insidente.
Gayunman, patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya upang mabatid ang ugat ng nasabing pagpapakamatay ng biktima.