3 miyembro ng 'Estribo gang' todas sa shootout

MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng kila­bot na “Estribo gang” ang na­patay habang isang ka­gawad ng pulisya ang suga­tan ma­karaan ang isang shoot­out na naganap sa pa­gitan ng mga ito ilang minuto maka­raang hol­dapin ng grupo ng mga una ang isang pam­pasa­herong jeepney sa lung­sod Quezon kamakalawa.

Dahil pawang mga walang pagkakakilanlan isinalarawan ang mga nasawing suspect kung saan ang isa ay may edad na 25-30, may kapa­yatan, may taas na 5’3, naka­suot ng polo shirt at maong na pants; ang pangalawa ay may edad na 23-25, payat, mo­reno, nakasuot ng asul na t-shirt, at pink na short pants; at ang huli ay nasa edad na 30-35, may kapayatan, naka-undershirt na maong pants at nakasuot ng itim na bull cap.

Narekober sa kanila ang dalawang kalibre .38 at isang kalibre 45 baril.

Sugatan din sa insidente si POI Obed Añonuevo, naka­talaga sa District Police Intelligence and Operations Unit (DPIOU) ng Quezon City Police na ginagamot ngayon sa St. Lukes Medical Center sanhi ng tama ng bala ng baril sa kanyang kaliwang balikat.

Ayon kay Chief Supt. Ben­jardi Mantele, district director ng QCPD, sinisikap na ng kan­yang mga tauhan na ma­kuha pa ang dalawa sa mga kasa­mahan ng mga suspect kabi­lang ang isang menor-de-edad na batang babae na ginagamit nilang pan­linlang sa kanilang opera­syon.

Sinasabing bagong modus operandi ng grupo ang guma­mit ng bata upang hindi mas­yadong mahalata ng kanilang mga bibiktimahin na sila’y may masamang balak.

Naganap ang encounter sa Commonwealth Avenue pa­sado alas-8 ng gabi.

Bago ito, sakay umano ng isang pampasaherong jeep­ney (TXB-726) na minama­neho ni Francisco Baloro 47, ang mga suspect na nagkun­waring mga pasahero ka­sama ang mga biktimang sina Jaime Nepomuceno, 43, at Dary Aquino 20, at tinatahak ang nasabing lugar nang magdek­lara ang mga ito ng holdap pagsapit sa may IBP Road, harap ng Batasan Bldg., sa Commonwealth Avenue.

Ayon sa driver na si Baloro, sumakay umano sa kanya ang mga suspect sa terminal nila sa Dhalia St., Brgy. Greater Lagro at dahil may kasamang isang batang babae ay hindi nila ito pinag­dudahang mga holdaper.

Kaya naman nagulat na lang umano si Baloro nang magdeklara ang mga ito ng holdap pagsapit nila sa nasa­bing lugar saka pinagkukuha ang kanyang pera,gayundin ng kanyang mga pasahero.

Isinilid umano ng mga suspect sa isang kulay pink na back pack na ipinabitbit sa batang babaeng suspect ang kanilang mga nakulimbat.

Samantala, tiyempo na­mang nagpapatrulya sa nasa­bing lugar ang tropa ng DPIOU sa pamumuno ni Insp. Genaro Martinez kasama si Añonuevo sakay ng mobile car QC-127 at napuna ang ko­mosyon sa nasabing jeepney.

Sinabi ni Martinez nang makita nila sa aktong kinu­kuha ng mga suspect ang gamit ng mga biktima sa loob ng jeepney ay agad nilang sinun­dan ito at nang mala­pitan nila ay agad silang nagpakilalang mga pulis.

Nang mapuna ng mga suspect ang presensya ng mga awtoridad ay nagsipag­babaan ang mga ito at at nag­pulasan sa iba’t ibang direk­syon habang pinapaputukan ang mga awtoridad sanhi upang tamaan ng bala sa kaliwang balikat si Añonuevo.

Dito na napilitang gumanti ng putok ang awtoridad na ikinasawi ng tatlo sa mga suspect. Ang dalawa pang suspect kasama ang bata ay nakata­kas dala ang nakulim­bat sa mga biktima.

Show comments