MANILA, Philippines – Inilikas ang siyam na pamilya matapos makaramdam nang paninikip ng dibdib dahil sa pagtagas ng ammonia sa pipeline ng imbakan ng agricultural product sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.
Base sa report, nabatid na dakong alas-7:23 ng gabi, tumagas ang ammonia mula sa pipeline ng Viking 777 International Agriculture, na matatagpuan sa kahabaan ng M. Gregorio st., Barangay Canumay West, na pag-aari ng isang Vicente Ong.
Agad naman nirespondehan ng mga bumbero ang nasabing lugar upang linisin ang tumagas na ammonia.
Siyam na pamilya ang inilikas kung saan ilan sa mga ito ang nakaramdam ng paninikip ng dibdib at agad na nilapatan ng lunas.
Inaalam na ang dahilan ng pagtagas kung saan nagsasagawa na rin ng imbestigasyon kung bakit maraming ammonia ang nakaimbak sa bodega ng nasabing kumpanya.