MANILA, Philippines - Binaril at napatay ang isang barangay kagawad ng isa sa dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo habang nakatayo at busy sa pagti-text sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Chinese General Hospital ang biktimang si Rogelio Yanga, 49, may-asawa, kagawad ng Brgy. 368, Zone 37, District 3, at residente ng Antipolo St., Sta. Cruz, Maynila bunga ng tinamong tama ng bala sa katawan. Hindi pa rin matukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspect sa krimen.
Sa ulat dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Antipolo at Karapatan Sts., Sta Cruz, Maynila.
Nabatid na abala sa pagti-text ang biktima nang lapitan ng isa sa suspect kaya tinanong ng biktima kung sino ang hinahanap. Tatlong bala ang isinagot ng suspect sa kagawad na agad bumulagta.
Tinangka ng ilang nakasaksi na habulin ang gunman subalit mabilis itong nakasakay sa naghihintay na get-away motorcycle na minamaneho ng isa pang lalaki.
Inaalam ang posibleng motibo sa krimen at kung may kaugnayan ito sa kanyang trabaho bilang barangay kagawad.