MANILA, Philippines - Naaresto ng mga tauhan ng Mayor’s Complaint and Action Team (MCAT) sa loob mismo ng Manila City Hall ang isang babaeng fixer na namemeke ng resibo at business permit matapos na ireklamo ng isang negosyante kamakalawa.
Nahaharap ngayon sa kasong falsification of public document sa Manila Prosecutors’ Office ang suspect na si Geslina Miclat, 55, ng no. 171 Kabulusan 1-A, Caloocan City, matapos arestuhin ng mga tauhan ni Ret. Supt. Franklin Gacutan.
Ayon kay Gacutan, nag-ugat ang pag-aresto kay Miclat, matapos na magreklamo si Esmeralda Malonzo, ng 142 Kabulusan 2, Caloocan City, nang matuklasang peke ang kanyang business permit at resibo na pinagbayaran sa Manila Business Permit Office.
Nalaman na nabuking ni Malonzo ang panloloko at pamemeke ni Miclat, matapos na makatanggap ng notice mula sa MBO noong Hulyo 13, na pinagbabayad siya ng buwis mula sa kanyang negosyong “Muscle Cut Gym” gayong may hawak na siyang business permit at resibo nang kanyang pinagbayaran.
Dinala umano ni Malonzo sa city hall ang xerox copy ng kanyang business permit at official receipt subalit sinabi sa kanya ng teller na peke ang kanyang mga resibong ipinakita habang ang original na kopya ay na kay Miclat.
Sanhi nito, kinontak ni Malonzo si Miclat at nakipagkita sa kanya sa city hall para ibigay ang orihinal na kopya ng kanyang business permit doon na nagsumbong kay Gacutan si Malonzo, kung saan pag-abot ng pekeng original receipt ay inaresto si Miclat.
Samantala, nagbabala si Lim sa lahat ng taxpayer sa Maynila na diretsong makipag-ugnayan sa mga empleyado ng MBO, kapag magbabayad ng kanilang buwis at huwag ipagkatiwala sa mga fixer.
Iginiit din ng alkalde na inatasan niya ang MBO na gawing madali ang proseso sa pagbabayad ng buwis para sa mga taxpayer, para hindi sila mapilitan makipag-ugnayan sa mga fixer.