MANILA, Philippines - Natimbog ng pulisya ang isang babae na kabilang sa mga dumukot sa isang 10-anyos na batang babae na nailigtas naman ng pulisya sa isang operasyon, kamakalawa sa Muntinlupa City.
Nakaditine ngayon sa Muntinlupa police station ang suspek na nakilalang si Rosalie Nuevo, 36, ng Brgy. Inonican, Silang, Cavite habang nasa piling na ni Neptaly Rubio, 40, ang kanyang anak na babae na itinago ang pangalan.
Sa ulat ng Muntinlupa police, dinukot ng grupo ni Nuevo ang bata noong Pebrero 2 sa Silang, Cavite.
Kinontak naman agad ng hindi nagpakilalang lalaki si Rubio at nanghihingi ng P50,000 cash kapalit ng pagpapalaya nila sa bata.
Nakipagtransaksyon naman si Rubio sa mga salarin ngunit humingi na rin ng tulong sa pulisya na nag-set-up ng entrapment operation. Nadakip si Nuevo makaraang tanggapin ang marked money buhat kay Rubio sa loob ng Starmall-Alabang dakong alas-8 kahapon ng umaga ngunit hindi nito kasama ang dinukot na bata.
Sa interogasyon, inamin ni Nuevo na kabilang siya sa grupo na dumukot sa biktima na pinamumunuan ng isang alyas “Sonny” at tinuro ang kanilang safehouse sa San Jose del Monte, Bulacan.
Agad na bumuo ng “rescue team” si Muntinlupa police chief, Sr. Supt. Romulo Sapitula na sumugod sa naturang safehouse sa pa kikipagtulungan ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER).
Dakong alas-2 ng hapon nang salakayin ng pulisya ang safehouse na pag-aari ni Sofronio Iquin sa Block 11 Lot 30 Leopard street, Northwinds Homes, Palmera 48, Brgy. Kaypian, San Jose del Monte, Bulacan kung saan natagpuan ang inabandonang paslit habang tumakas na ang mga lalaking dumukot dito.