MANILA, Philippines - Pinaplano ngayon ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na itaas na ang pamasahe sa Metro Rail Transit Line 3 at Light Rail Transit Line 1 at 2 dahil sa hindi na makayanan ng pamahalaan ang pagbibigay ng subsidiya dito para sa araw-araw na operasyon.
Sinabi ni Transportation Secretary Jose “Ping” De Jesus na higit P5 bilyon ang taun-taon na ibinibigay na subsidiya ng pamahalaan sa Light Rail Transit Authority (LRTA) at Metro Rail Transit Authority (MRTA) na hindi naman nababawi sa kita ng mga train systems.
Hindi pa naman nagbigay si De Jesus ng eksaktong halaga ng itataas sa pasahe dahil sa isinasailalim pa nila sa pag-aaral upang mabalanse ang epekto sa mga regular na mananakay at sa gastusin ng pamahalaan.
Aminado si De Jesus na kung masyadong mataas ang sisingilin ay posibleng mabawasan ang bilang ng kanilang mga pasahero na maaaaring tumangkilik sa mga bus at maging dahilan pa ng lalong pagsisikip sa trapiko.
Samantala, sinabi naman ni MRTA General Manager Reynaldo Berroya na ikinukunsidera nila ang pagtataas mula sa P15 maximum fare patungo sa P20 o P25. Magbibigay umano ito ng P1 bilyong dagdag kita kada taon.
Nabatid naman na P45 kada isang pasahero ng MRT ang binabayaran ng pamahalaan bilang subsidiya na hindi nababawi sa araw-araw na kita nito.