MANILA, Philippines - Dalawampung katao ang iniulat na nasugatan, habang may 30 kabahayan naman ang napinsala makaraang gumuho ang pader sa isang ginagawang condominium sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.
Dahil dito, agad na ipinag-utos kahapon ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang pagpapahinto sa ginagawang condominium building kasabay ng kautusan sa city engineering office na pinamumunuan ni Engr. Rolando Eduria na agad na magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy kung may kasalanan sa naganap na pagguho ang developer ng ginagawang gusali.
Ayon sa alkalde, kapag napatunayan sa isasagawang imbestigasyon na may kakulangan ang developer ng ginagawang condominium building ay agad niyang irerekomenda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban dito.
Samantala, nagpadala na rin ng tulong ang lokal na pamahalaan sa 300 pamilyang naapektuhan ng naganap na pagguho ng pader.
Base sa ulat ng pulisya, dakong alas-3 kamakalawa ng hapon nang bigla na lamang gumuho ang pader ng dating Manila Paper Mills na matatagpuan sa Area C, Malichu Interville Subdivision, Caloocan City .
Ayon sa mga residente, habang kasagsagan ng malakas ng pagbuhos ng ulan bigla na lamang silang nakarinig ng ingay na nagmumula sa kanilang mga bahay at nang siyasatin ng mga ito ang nangyayari ay nakita na lamang nila ang biglang pagguho ng pader.
Agad na tinabunan ng nagkabitak-bitak na semento at adobe ang mga kabahayan habang ang ilang residente kabilang na ang mga kabataan ay hindi agad nakalabas na nagresulta sa pagkakaroon ng galos at sugat ng mga ito sa katawan.
Nangako rin ang alkalde na gagawin ng lokal na pamahalaan ang lahat ng makakaya nito para matulungan ang mga naapektuhang residente hanggang sa tuluyang makabawi ang mga ito sa naganap na sakuna.