MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 100 kabahayan kasama ang ilang tanggapan ng Depatment of Agriculture ang naabo sa magkahiwalay na insidente ng sunog sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.
Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection, unang sumiklab ang kabahayan sa may Sitio Palanas, Brgy. Basra pasado ala-1:30 ng hapon.
Nagsimula ang apoy sa bahay ng isang Felipe Barican kung saan bigla na lamang may umapoy sa loob nito sanhi umano ng ginamit na kandila o gasera.
Sinasabing ang lugar ay matagal nang walang kuryente at tanging gasera at kandila ang ginagamit ng mga ito bilang ilaw na pinaniniwalaang ugat ng naturang sunog.
Umabot naman sa Task Force Charlie ang sunog bago tuluyang naapula ang apoy kung saan nadamay ang tanggapan ng Lifestock Development Council at isa pang tanggapan ng DA.
Hindi pa naapula ang apoy sa Brgy. Bastra, sumiklab naman ang apoy sa may Domingo St., at Seattle St., Cubao ganap na alas-3:08 ng hapon.
Nagsimula rin ang apoy sa bahay ng isang Teresa Palano na gumagamit din umano ng gasera at kandila dahil naputulan ng suplay ng kuryente.
Pasado alas-4 naman ng hapon nang ideklarang fireout ang naturang sunog habang patuloy ang clearing operation ng kagawaran ng pamatay sunog upang mabatid ang halaga ng pinsala nito.