Tsinoy dinukot ng 3 armado

MANILA, Philippines - Isang Tsinoy ang iniulat na dinukot ng tatlong hindi nakikilalang kalalakihan sa loob mismo ng kanyang bahay sa Malabon City kahapon.

Nakilala ang biktima na si Ben Chua, ng Chico Road, Barangay Potrero ng lungsod na ito.

Ayon sa inisyal na report ng pulisya, nabatid na dakong alas-6:20 ng umaga, kumatok ang mga suspek sa bahay ng biktima sa nabanggit na lugar, kung saan pinagbuksan naman ang mga ito ni Chua.

Wala nang nagawa ang biktima ng bigla siyang kaladkarin ng mga suspect palabas sa bahay bago isinakay sa naghihintay na puting taxi (TXU-592).

Agad na umalis ang taxi habang humingi naman ng tulong ang mga kaanak ng biktima sa mga pulis hinggil sa insidente.

Inaalam pa ng pulisya kung ano ang motibo sa pagdukot sa biktima.  

Show comments