MANILA, Philippines - Himas-rehas ngayon ang isa umanong empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos na arestuhin ng mga awtoridad dahil sa reklamo ng panunutok ng baril ng dalawang lalaki na nag-ugat sa simpleng away-trapiko sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Kinilala ang suspect na si Leandro Repasa, 46, ng Arquisa St., Ermita, Manila. Siya ay dinakip ng pulisya matapos magsumbong ang mga biktimang sina Ebner Jerome Estono, 23, nurse, at Mark Anthony Pineda, 22, estudyante na umano’y tinutukan ng baril ng una.
Nakuha kay Repasa ang isang kalibre .45 baril na may magazine na may lamang siyam na bala. Expired na rin ang lisensya ng nasabing baril kung kaya posibleng maharap ito sa kasong illegal possession of firearms.
Naganap ang insidente sa kahabaan ng Mapang-akit St., corner Mapagmahal St., Brgy. Pinyahan ganap na alas-8:10 ng gabi. Bago nito, sakay ng kanilang Ford Lynx (XFH-197) ang mga biktima habang hinihintay ang iba pa nilang kasamahan sa nasabing lugar nang dumating ang isang Honda Civic (WEW-860) na sakay si Repasa at isa pang lalaki. Diumano, mula rito ay bumaba ang kasamahan ni Repasa at inuutusan ang mga biktima na umalis at mag-maniobra para makadaan ang kanilang sasakyan.
Ilang sandali, lumabas na rin si Repasa na parang nakatunog na nasa trouble ang kanyang kasama at bumaba ito ng kanilang sasakyan saka nagbunot ng baril at pinagtututukan ang mga biktima.
Sa takot ng mga biktima, nagdesisyon ang mga ito na magtungo sa himpilan ng pulisya para humingi ng saklolo. Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at nadakip si Repasa at dinala sa nasabing himpilan.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa suspect.