Ginang patay sa rider

MANILA, Philippines - Isang ginang ang binaril at napatay ng hindi pa nakiki­lalang suspek na sakay ng isang motorsiklo habang nakatayo ito sa Pasay City kamakalawa.

Nasawi noon din ang bik­timang si Maria Octavo, 40, ng Facundo St., ng nabang­git na siyudad. Nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Samantala, blanko pa ang pulisya, kung sino ang taong responsable sa pamamas­lang sa nabanggit na biktima.

Sa imbestigasyon ng pu­lisya, naganap ang insidente dakong alas 3:00 ng hapon sa panulukan ng Facundo at Aurora­ Sts., ng nabanggit na siyudad.

Nabatid na nakatayo ang ginang sa nabanggit na lugar nang lapitan ng suspek na naka-motorsiklo sabay baril ng malapitan sa biktima na naging dahilan ng agarang kamatayan nito.

Nagtataka ang mga pulis dahil hanggang sa ngayon ay nananahimik ang kaanak ng biktima hinggil sa insidente.

Show comments