MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ng iba’t ibang transport leaders sa bansa mula sa hanay ng mga pampasaherong dyip na todo ang kanilang suporta sa interconnectivity project ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang tuluyan ng mawakasan ang pamamayagpag ng mga out of line vehicles at kolorum sa lansangan.
Ayon kay Obet Martin, presidente ng PASANG MASDA, ikinagagalak ng kanilang grupo ang magandang idudulot ng LTO-LTFRB interconnectivity project dahil mapapabilis din nito ang sistema ng pagrerehistro ng kanilang mga pampasaherong sasakyan at makakaiwas na ang mga PUV operators na mabiktima ng pekeng prangkisa at ng mahabang pila.
Halos ganito rin ang naging pahayag ni Efren De Luna, presidente ng Alliance of Concerned Transport Organization ( ACTO) na kapag naipatupad na ang naturang interconnectivity project, gaganda na ang kita ng mga tsuper na maiuuwi sa kanilang mga pamilya dahil nawalis na ang mga kolorum at out of line vehicles na karaniwang umaagaw sa pasahero ng mga lehitimong tsuper.
Naniniwala naman si 1 United Transport Koalisyon (1 UTAK) representative Atty. Vigor Mendoza na ito na ang tamang panahon upang magsanib ang dalawang ahensiya sa pamamagitan ng interconnectivity project, aniya bukod sa magiging maayos na ang transaksiyon sa dalawang nabanggit na ahensiya ay walang dagdag na singilin na ipapatupad sa mga PUV operators sa halip ang anumang dagdag singilin ay babalikatin ng Passenger Accident Management Inc. (PAMI).
Sa pamamagitan ng LTO-LTFRB Interconnectivity project, gagamit ng isang web based system na tinawag na Franchise Confirmation Uploading Facility (FCUF) bukod sa magiging madali at mabilis ang proseso, ang FCUF ay isang makabagong sistema sa pagkukumpirma sa mga prangkisa sa LTFRB bago pa man ito irehistro sa LTO.