MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Maynila ang isa’t kalahating taon na bata na sinasabing nakainom ng silver cleaner, kahapon ng umaga sa Paco, Maynila.
Lumagda na lamang ng waiver ang mga magulang ng biktimang itinago sa pangalang “Bebe”, residente ng Paco, Maynila sa Manila Police District-Homicide Section na huwag nang imbestigahan ang kaso dahil tiyak nilang nainom ng hindi sinasadya ng biktima ang nasabing asido.
Sa ulat na itinawag ng isang Nathaniel Abollo, security guard ng OSMA, dakong alas-11:00 ng tanghali kahapon idineklara ang pagkamatay ng biktima sa MPD-Homicide Section. Agad namang nagtungo sa ospital si Det. Paul Dennis Javier kung saan sinabing aksidenteng nainom ang naturang kemikal.
Nanawagan naman si C/Insp. Erwin Margarejo sa mga magulang at sinumang nakatatanda na huwag hayaang nakakalat ang silver cleaner at sa halip ay itago ito upang di pagkamalang inumin at hindi rin matukso ang mga nag-iisip magpatiwakal na gamitin ito.