MANILA, Philippines - Kalaboso ang dalawang holdaper matapos kuyugin ng sumaklolong taumbayan ilang minuto pagkaraan nitong holdapin ang isang taxi driver sa Sta. Cruz. Manila kahapon ng madaling-araw.
Humihimas ng rehas na bakal ang mga suspect na sina Ed win Dequito, 20, drop out sa Manila High School at Ronnes Sencio, 22. bodegero, kapwa residente ng Baseco, Port Area, Maynila dahil sa reklamo ni Francisco de Luna, taxi driver.
Nakatakas naman ang isa pang suspect na kinilala sa alyas na “Junior” ang may bitbit umano ng pitaka na may lamang pera na kinita ng biktima.
Sa ulat ni SPO3 Joaquin de Guzman ng MPD-Station 11, dakong 2:30 ng madaling-araw nang maaresto ang mga suspect sa harapan ng Sta Cruz church.
Sinabi ng biktima na sumakay ang 3 suspect sa Port Area at sa pagtapat sa may simbahan ay nagdeklara ng holdap habang nakatutok sa leeg niya ang patalim ni Dequito. Kinuha ni Sensio ang kaniyang wallet na may lamang 2,000.
Nang makatiyempo ang biktima ay binunot nito ang susi ng kanyang taxi at mabilis na lumabas at humingi ng saklolo.
Mabilis na sumaklolo ang taumbayan na kinabibilangan ng kapwa mga driver ng biktima na humabol at umaresto sa mga suspect subalit mabilis na nakatakas ang isa pa.