5 holdaper tugis ng QCPD

MANILA, Philippines - Pinaghahanap ngayon ng  mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang limang armadong kalalakihan na nangholdap sa dalawang tauhan ng Save More at tuma­ngay sa mahigit sa P3 milyong koleksyon kama­kalawa ng umaga sa Quezon City.

Ang aksyon ng QCPD ay bunsod na rin ng paghingi ng tulong ng representative ng Save More Drug Inc. na si Peter­ del Rosario, 42, administrative officer.

Sa pagsisiyasat ni SPO1 Rodrigo Barrameda, Jr. ng Criminal Investigation and Detective Unit ng QCPD, na­ganap ang insidente dakong alas-10:45 ng umaga habang binabagtas nina Tirso Luysaga, driver at Cecille Raga, accounting staff, kapwa empleyado ng Save More ang Service­ Road sa Commonwealth Ave. Bgy. Holy Spirit sakay ng Mitsubishi L300 van(ZBT-910).

Bigla umanong hinarang ng mga suspect na naka-bonnet at nakasuot ng fatigue uniform na sakay ng kulay ber­deng Revo ang mga biktima at sapilitang kinuha ang pera na nakalagay sa dalawang kahon.

Bago tuluyang tumakas, kinuha pa ng mga suspect ang Nokia cellphone ni Luysaga at perang P5,420 naman ni Raga.

Agad na ipinagbigay alam ng mga biktima ang insidente sa kanilang amo, saka nagtungo sa himpilan ng PS6, bago nagdesisyong dalhin ang kaso sa CIDU.

Ayon sa otoridad, nakasalalay sa mga testigo ang magiging resulta ng kanilang imbestigasyon base sa tes­timonya ng mga ito at pagkakakilanlan ng mga suspect.  

Show comments