MANILA, Philippines - Hindi na nagawa pang makapagsaing ng isang ginang makaraang mahagip ito ng isang tren at mamatay matapos tumawid ng riles upang manghiram lamang ng lighter at umigib ng tubig na gagamitin sa pagsasaing kahapon ng umaga, sa P. Ocampo at Quirino Highway sa Malate, Maynila.
Matinding pinsala sa ulo at kaliwang bahagi ng katawan ang tinamo ng biktimang si Lourdes Ortiz, residente ng lugar bagamat nakatira lamang sa isang pedicab na ipinaparada sa gilid ng kalye.
Sa ulat ni PO1 Sergio Macaraeg, dakong alas-10 ng umaga magsasaing umano ang biktima kaya nagbitbit ng isang galon upang mag-igib ng tubig na pansaing at manghiram ng lighter sa kabilang riles nang masagi ito ng Philippine National Railways (PNR) train,
Sinabi ng ilang saksi na ang bahagi ng hagdanan ng tren ang sumagi sa kaliwang bahagi ng katawan ng biktima kaya tumilapon ito ng ilang metro.
Agad namang binuhat ng kanyang mister na si Eusebio, isang barangay tanod, ang biktima at isinugod sa Ospital ng Maynila subalit hindi na umabot ng buhay.
Naulila ng ginang ang dalawang anak na isang-taong gulang at isang 4-anyos.