MANILA, Philippines - Patay ang nadakip na snatcher-killer ng isang seaman matapos mang-agaw ng baril sa kanyang police escort habang patungo sa inquest proceedings kamakalawa ng gabi.
Dalawang bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng suspect na si Ronald Sevilla, alyas “Bunso,” residente ng Unit 112 Building 4, Safari Building, Paco habang ginagamot sa Philippine General Hospital (UP) dakong alas-10:30 ng gabi, kamakalawa.
Si Sevilla ay una nang inulat na inaresto ng Manila Police District-Station 6 dahil sa pagkakasangkot umano sa kaguluhan sa kanilang lugar at naberipika na may mga rekord na snatching at robbery. Doon din natukoy na kabilang ito sa riding in tandem na nang-agaw sa kuwintas at pumaslang sa isang seaman na kinilalang Edralin Amon, malapit sa tinutuluyan nito sa Singalong, Malate noong Hunyo 17.
Ang krimen ay nairekord ng closed circuit television (CCTV), kung saan po sitibo itong kinilala ng isang testigo at nagkatugma rin ang hitsura umano nito at kasuotan sa gunman na nasa footage.
Sa ulat kahapon ni Det. Joseph Kabigting, nasa pagitan ng alas-5 hanggang 6:00 ng hapon nang magkaroon umano ng agawan ng baril sa loob ng service car ng MPD-Homicide kung saan escort sina Det. Gerry Amores, Det. Jonathan Ruiz at Det. Erwin Castro, habang binabagtas ang San Marcelino sts., sa Ermita. Nagawa umanong barilin ni Det. Ruiz si Sevilla na nagtangkang tumakas.
Si Amores umano ang nagmaneho ng service police car na Toyota Revo, katabi nito si Ruiz habang si Sevilla naman ay katabi ni Castro sa passenger seat.
Nagawa umanong daganan ni Sevilla si Castro at tangkaing agawan ng baril kaya binaril na ni Ruiz ang suspect.
Sa naging pahayag naman ng ina ni Sevilla na si Aling Cora naniniwala siya na pinatay ang anak niya ng mga pulis. Sinabi pa ni Aling Cora Sevilla na noong Martes (Hunyo 22) ay kinuha ng mga tauhan ni MPD-Station 6 ang kanyang anak at nagulat sila nang akusahan na suspek ito sa pagpatay sa nabanggit na seaman.
Naroon umano siya sa Homicide Section noong Miyerkules ng hapon at dahil sa pagkainip sa tagal ng paghihintay, sinabihan siya na maghintay-hintay lamang dahil ini-inquest ang anak niya.
Tinawagan niya ang mister niya upang alamin sa Manila City Hall kung naroon ang anak, sinabi umano ng mister niya na wala doon at hindi na-inquest kaya natakot siya at sinabihan niya ang mga pulis na huwag isa-salvage ang kanyang anak.
Nilinaw din ng ina ni Sevilla na totoong nasangkot ang anak sa snatching subalit taong 2000 pa umano iyon.