MANILA, Philippines - Naalarma ngayon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kawalang-kooperasyon ng mga lokal na pamahalaan ukol sa usapin sa mga iligal na squatters makaraang makaranas na naman ng mga pagbabaha sa ilang lungsod sa pabugsu-bugso pa lamang na pag-ulan ngayong linggo. Inulan ng reklamo sa pamamagitan ng text message si Chairman Oscar Inocentes sa naganap na pagbaha sa ilang lugar ng Parañaque sa may Sucat Road at tapat ng Trinoma-North Rail Station sa Quezon City. Nang inspeksyunin ng mga tauhan ng Flood Control Management Service (FCMS) sa pangunguna ni Engr. Baltazar Melgar, nabatid na ang barung-barong ng may 150 pamilyang squatters na nakatirik sa gilid ng Ibayo Creek ang sanhi ng baha sa Sucat Road habang matinding pagbabara naman sa mga daluyan ng tubig buhat sa mga basura na iniwan ng isang construction worker sa tabi ng Trinoma ang sanhi ng pagbabaha sa Quezon City. Dahil dito, umapela si Inocentes sa mga lokal na pamahalaan ng mga lungsod at munisipalidad sa Metro Manila na makipagtulungan at solusyunan ang problema sa mga “illegal squatters” na humaharang sa mga natural na daluyan ng tubig upang hindi na maulit ang mala-Ondoy na pagbabaha.