MANILA, Philippines - Posibleng nakainisan ng isang grupo ng kalalakihan ang isang 32-anyos dahil sa sariling version umano ng pamosong Korean song na “Nobody” kaya sinaksak ito sa bunganga at leeg, na siyang ikinasawi nito sa loob ng isang videoke bar, sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Manila Doctor’s Hospital ang biktimang si Michael Viray, residente ng Phase 30, Lot 6, Dasmariñas, Cavite.
Sa ulat ni Det. Jay Santos ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Benson’s Place videoke bar na nasa panulukan ng Guerrero St., at UN Ave., Ermita.
Ayon pa sa ulat, halos magkakasabay na nagkakantahan ang grupo ng mga suspect at ang grupo ng biktima habang umiinom sa magkahiwalay na lamesa sa bar.
Dahil sa naiiba umano ang tono sa pagkanta ng biktima ng popular na “Nobody”, nagkainitan ang mga ito nang patigilin ng mga suspect sa pagkanta ang una.
Namagitan umano ang mga empleyado ng bar at pinayuhang ang dalawang grupo na lisanin ang bar dahil ayaw nila ng gulo.Lumabas ang mga suspect gayunman nanatiling nagkakantahan ang grupo ng biktima.
Habang nasa labas umano ang mga suspect, isa ang humila sa biktima sa kabila ng nakapagitang gate na bakal at nagawang saksakin ito sa bunganga at leeg ng isa sa mga suspect saka nagsipulasan.