MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 10 milyong cash at mga alahas ang natangay sa isang pawnshop matapos na pasukin ng kilabot na acetelyne gang kahapon ng umaga sa lungsod Quezon.
Ayon kay PO2 Loreto Tigno ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police (CIDU-QCPD), ang niloobang pawnshop ay ang Agencia de Empeños na pag-aari ng isang Lydia D. Zuniga at matatagpuan sa Tandang Sora Avenue, Brgy. Old Balara sa lungsod.
Winasak ng mga nasabing grupo ang isang cabinet na pinaglalagyan ng dalawang vault na may lamang cash at mga alahas.
Sinabi ni Tigno, pasado alas-8 ng umaga nang matuklasan ni Aida Pingol, empleyada sa nabanggit na pawnshop ang panloloob.
Dito ay nakita ni Pingol na nagkalat ang mga gamit at sira-sira ang mga cabinet na pinaglalagyan ng mga alahas maging ang naturang vault, dahilan upang agad niya itong ipinaalam sa may-ari nito.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na nagawang makapasok ng mga suspect sa establisimento sa pamamagitan ng pagdaan sa kisame ng kubeta.
Nauna rito, inupahan ng mga suspect ang kuwartong nakadikit sa nasabing gusali na siyang ginamit na daanan patungo sa nasabing comfort room.
Nang makapasok ay saka sinimulang wasakin ang pintuan ng CR saka pinutol ng bolt cutter ang kandado ng kabinet bago tuluyang binuksan ng acetylene ang mga kaha de yero.
Sinabi ng kaanak ng may-ari, ito ang pangalawang pagkakataon na pinasok ang kanilang pawnshop tatlong taon na ang nakakalipas sa pamamagitan ng paggiba sa dingding ng nasabing kubeta, ngunit nabigong makatangay ng pera at alahas
Posible anyang nagpalamig lamang ito at bumalik makalipas ang mahabang panahon.