MANILA, Philippines - Isang van na naglalaman ng ibat ibang produkto na aabot sa P743,000 ang hinayjack ng limang armadong kalalakihan kung saan dalawa dito ang naka-PNP uniform sa lungsod Quezon.
Ang hijacking ay nabatid matapos na iturn-over sa Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police (CIDU) ng Cavite PNP ang mga biktima na sina Leo Latombo, 36, driver at mga helper na sina Marvin Latombo, 29 at Alfred Galvez, 20, pawang mga empleyado ng Jobegle Enterprises sa Town and Executive Village, Antipolo City.
Ayon sa mga biktima, nakatakda sana nilang ideliver sa SM Fairview ang mga naturang produkto nang harangin sila sa kahabaan ng Regalado Ave. dakong alas-10 ng umaga ng dalawa sa mga suspect na nakasuot ng uniporme ng pulis para inspeksiyunin ang kanilang kargamento.
Subalit pagkababa ng van ay agad na sinalya at tinutukan ng baril ng dalawa si Leo at isinakay sa isang Toyota Revo na walang plaka kasama sina Marvin at Galvez. Piniringan ng packaging tape ang mga mata ng biktima.
Dito ay mabilis na tinangay ng limang armadong kalalakihan ang kanilang Isuzu Forward wing van (WTP-149) na naglalaman ng produkto ng Unilever na nagkakahalaga ng P743,080.
Ayon sa mga biktima, naramdaman na lang nilang tumakbo ang kanilang sasakyan hanggang sa ilang oras ang lumipas ay huminto ito at ibinaba sila sa isang lugar sa Carmona Cavite. Habang ang kanilang van ay tinangay na ng mga suspect.
Agad na humingi ng tulong ang mga biktima sa pulis ng Cavite.