'Christine Reyes' sugatan sa ligaw na bala

MANILA, Philippines - Isang dalaga na kapangalan ng aktres na si Christine Reyes ang sugatan matapos ta­maan ng ligaw na bala mula sa pama­maril ng  isang lalaking iti­nuring na isa  sa “most wanted cri­mi­nal” kamakalawa sa Pa­say City.

Mabilis na isinugod sa Manila Sanitarium Hospital ang biktimang si Christine Reyes, 23, nakatira sa nabanggit na lugar, nagtamo ito ng tama ng bala sa kanang braso buhat sa 9.mm. Dinala rin sa nabanggit na pagamutan ang tricycle driver na si Rheinette Gorospe, 32, ng Cinco de Junio st., ng nabang­git na siyudad, nagtamo ito ng tama ng bala sa kaliwang tuhod.

Hinahanting naman ang suspek na nakilala sa panga­lang “alias Snake”, tinuturing na isa sa mga most wanted cri­minal ng Pasay City at ang kasama nito na nakilala naman sa “alias Nonoy”.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-5 ng hapon sa panulukan ng Gil Puyat at Taft Avenues, Pasay City.

Nabatid na hinabol ng mga suspek  si Gorospe habang na­ma­masada ito ng tricycle at nang maabutan ito, biglang pinagbabaril ng mga suspek hanggang sa tinamaan ng bala sa kaliwang tuhod. Dahil naroon sa insidente si Reyes, kung kaya’t tinamaan ito ng ligaw na bala, iniimbestigahan pa ang nasabing kaso.

Show comments