MANILA, Philippines - Mariing kinuwestiyon nila Konsehal Atty. Darwin Bernabe Icay at City Council Minority Leader Konsehal Arvin Alit ang pagpasa ng Tax Amnesty Program na wala man lang papel o ordinansang ipinakita sa mga miyembro ng city council.
Ito ay isang midnight ordinance na pakana umano ni out-going Taguig City Mayor Freddie Tinga at ng kanyang mga kaalyadong Konsehal.
Isang linggo nang hiningi nila Icay at Alit upang pag-aralan at antayin ang kopya ng ordinansa ngunit hindi pinayagan ng mga konsehal sa pangunguna ni Majority Leader Konsehala Ronnette Franco at Ways and Means Chairperson Allan Paul Cruz.
Fast break at sa isang araw na 3-readings ang ginawa kahit ni walang kopya ng ordinansa at walang public hearing na ginanap, taliwas sa nakasaad na alituntunin ng Local Government Code hinggil dito.
Ang naturang ordinansa ay naipasa nung June 7, 2010, ilang linggo na lang bago pormal na maupo ang bagong Mayor-elect na si Maria Laarni “Lani” Cayetano.
Sa panghuli sabi ni Icay na sisiguraduhin diumano niya na bigyan ng advise ang incoming Mayor Cayetano na balikan ang mga kontrobersyal na resolutions at ordinances na inilatag ng Tinga councilors ng siyam na taon, upang maiayos ang mga ito.
Ayon kay Icay, wala namang problema kung para sa mga ordinaryong residente ang ordinansa. “Kung makikinabang ang mga residente ay susuportahan namin. Ngunit kung ang mga mayayaman at negosyanteng hindi nagbabayad ng tax pero kumikita ng malaki ang kanilang negosyo ang makikinabang, bakit natin sila bibigyan ng amnesty at i-excuse sa pagbayad ng surcharges at penalties.
Seryoso kami na baguhin ang sistema ng pamamalakad sa Taguig at gawin itong Maka DIYOS, makatao at makabayan imbis na pumapabor sa iilan lamang.