2 Binatilyo nagduelo, kapwa malubha

MANILA, Philippines - Nasa malubhang kalagayan ngayon ang dalawang 17 anyos na binatilyo makaraang magduwelo sa pamamagitan ng patalim dahil sa umano’y selos sa lungsod Quezon kahapon.

Ang dalawa na nga­yon ay kapwa ino-obserbahan sa East Avenue Medical Center (EAMC) ay kinila­lang sina Reymart Jumaoas, ng Gen. Francisco St., at Sheider Reyes, ng A. Bonifacio St., Brgy. Ba­gong Silangan sa lungsod.

Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente ganap na alas-3:30 ng madaling araw sa nasabing barangay.

Bago nito, nagkasalubong umano ang live-in partner ni Jumaoas at si Reyes sa nasabing lugar kung saan ikinuwento ng una sa huli na nag-away sila ni Jumaoas.

Dahil alanganing oras na, minabuti ni Reyes na samahan ang kanyang kumare sa paglalakad, hanggang sa makita sila ni Jumaoas.

Dala ng selos, lumapit sa dalawa si Jumaoas na may dalang pamalo at kinompronta si Reyes na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa kapwa magbunot ng patalim ang dalawa at humantong sa saksakan.

Sa palitan ng saksak ay nagtamo ng saksak sa tiyan at ulo si Jumaoas, sa­mantalang si Reyes na­man ay nagta­mo ng saksak sa kamay at palo sa ulo.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments