Umawat sa rambol, tepok

MANILA, Philippines - Isang 20-anyos na vendor ang nasawi makaraang mabaril matapos umawat sa nada­anang rambulan na kinasasangkutan ng kanyang pinsan sa Tondo, Maynila, kama­kalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Noel Caseñas, 20, residente ng C-2 Capulong, Road 10, Tondo  dahil sa tinamong isang tama ng bala sa likod.

Wala pang matukoy na pagkakakilanlan sa bumaril sa biktima dahil marami at hindi kilala ang gang na nakasagupa ng pinsan niyang si alyas “Nognog”.

Sa ulat ni Det.  Virgilio Martinez, ang ma­dugong insidente ay nangyari dakong alas-6:30 ng gabi, sa labas lamang ng bahay ng biktima sa kahabaan ng Capulong St. malapit sa panulukan ng Imelda St., Tondo, Manila.

Nabatid na kauuwi lamang ng biktima upang magpahinga mula maghapong pagtitinda nang makitang pinagtutulungan ang pinsan na si Nognog kaya sinikap nito na umawat.

Subalit, may isa na nakapuwesto sa kan­yang likuran na bigla na lamang bumaril sa kaniya hanggang sa nagkaniya-kaniyang takbu­han na ang mga kalabang grupo.

Naiwang nakahandusay ang biktima na isinugod ng mga kapitbahay sa pagamutan pero hindi na rin naisalba ang buhay nito.

Show comments