MANILA, Philippines - Karamihan sa mga paaralan at dormitoryo sa Maynila ay lumalabag sa fire safety code na ipinapatupad ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Ito ang lumitaw sa ulat na ipinadala ng BFP kay Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Public Safety Marius Corpus, matapos ang inspeksyon na isinagawa nila sa may 50 paaralan at unibersidad at 40 dormitoryo sa Manila, partikular sa University belt bilang fire safety requirements para sa preparasyon ng regular na pagbubukas ng klase sa Martes.
Ayon kay BFP Director Rolando Bandilla, Jr. karamihan sa paglabag na nakita sa mga ito ay ang makipot na daanan, walang water sprinklers, hindi maayos na fire exit at walang first aid kits na dapat gamitin kapag may emergencies.
Ang iba namang establisimento ay walang fire alarm o fire extinguisher, at mayroon ding depektibong fire exit signages na hindi maliwanag at wala sa tamang sukat.