MANILA, Philippines - Siyam na holdaper na nagtangkang mambiktima ng mga pasahero ng isang bus ang nadakip ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) na mabilis na rumesponde sa isang sumbong, kahapon ng umaga sa Mandaluyong City.
Nakilala ang mga naaresto na sina Leo Dela Cruz, 28; Ramil Ramos, 21; Alberto Dagatan, 26; Ronald Flores, 27; Carlos Pastor, 34; Joel Canerejo, 41; Noel Uzon, 35; Wilfredo Magtolo, 36, at Teddy Manera, 45.
Sa ulat ng Mandaluyong police, nakatanggap sila ng alerto buhat sa ibang police units sa na gaganap na panghoholdap sa isang pampasaherong bus sa may EDSA dakong alas-3:30 ng madaling-araw. Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Mandaluyong police at EPD-Public Safety Management Battalion sa may EDSA Shrine kung saan naaktuhan ang mga suspek sa loob ng isang Don Mariano bus.
Mabilis na pinalibutan ng mga pulis ang naturang bus kung saan napuwersa ang mga suspek na sumuko na lamang sa mga awtoridad. Kasamang isinuko ng mga suspek ang iba’t ibang kalibre ng baril at patalim na gamit ng mga ito sa panghoholdap.