MANILA, Philippines - Nauwi sa madugong trahedya ang kasayahan ng mga bodyguards ni Cagayan province Governor Alvaro Antonio nang ratratin ng chief serity officer nito ang dalawang kasamahang sibilyan matapos na magtalo habang nag-iinuman sa bahay ng nasabing opisyal sa lungsod Quezon kamakalawa.
Tadtad ng tama ng bala sa kani-kanilang katawan sanhi upang agad na bawian ng buhay ang mga biktimang sina Allan Tiemsen, 31; at Joel Bok log; kapwa mga tubong Calamias Ibaan, Batangas at security officer ni Gov. Antonio.
Tinutugis naman ng awtoridad ang suspect na si SPO3 Eliseo Vergara Jr., alyas “Basyo”, miyembro ng Philippine National Police na nakatalaga rin sa gobernador.
Nangyari ang insidente sa bahay mismo ng gobernador na matatagpuan sa 8 Abalon St., North Fairview Subdivision, Brgy. North Fairview sa lungsod ganap na alas- 9:30 ng gabi.
Sa pagsisiyasat ni PO2 Joy Marcelo ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bago ang insidente masayang nag-iinuman ang mga biktima at suspect kasama ang mga driver na sina Chito Quintos at Rico Trinidad dahil sa birthday umano ng huli sa bahay ng gobernador.
Makalipas ang ilang minutong tunggaan at malasing bigla na lang sinermunan ni Vergara ang dalawang biktima hinggil sa sistema ng kanilang pagbabantay sa amo.
Hindi ito nagustuhan ng dalawang nasawi kung kaya humantong ito sa hindi pagkakaintindihan na nauwi sa pagtatalo at hamunan.
Sa puntong ito, galit na kinuha ng suspect ang kanyang M-16 rifle at doon ay pinaulanan ng bala sina Tiemsen at Boklog, saka mabilis na tumakas sakay ng isang kotse na pag-aari ng gobernador kasama ang dalawang nabanggit na driver.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), narekober sa krimen ang 11 piraso ng basyo ng bala ng M-16 rifle na ginamit ng pulis sa pamamaril sa mga biktima.
Nabatid na si Tiemsen ay nagtamo ng tama ng bala sa likod, kanang tagiliran, at kaliwang dibdib, habang si Boklog naman ay sa kili-kili at kaliwang braso. Patuloy ang imbestigasyon ng CIDU sa nasabing insidente.