MANILA, Philippines - Aabot sa P1.6 milyong halaga ng payroll money ang natangay ng anim na suspect na riding in tandem sa naganap na panghoholdap habang patay ang isang driver sa magkahiwalay na insidente sa Quezon City at Parañaque Çity.
Ayon kay PO3 Ernesto Fabre Jr., ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police, may kabuuang P1, 336,312 na payroll money ang natangay mula kina Johnny Rolloque, 27, Guillermo Abejo, 35 at Wilfredo Patiag, 22, pawang mga administrative staff ng Pasig River Rehabilitation Center ng apat na suspects kamakalawa ng umaga sa Xavierville Ave. Quezon City.
Nakasuot ng helmet at nakabonnet ang apat na suspect na sakay ng dalawang motorsiklo nang harangin ng mga ito ang sasakyan ng mga biktima na galing sa Land Bank Katipunan Branch at nagpa-encash ng tseke. Dito ay agad tinutukan ng baril ng mga suspect ang mga biktima at puwersahang kinuha ang pera.
Pinalo pa ng isa sa mga suspect ng baril sina Abejo at Patiag, saka sumakay ng kanilang motorsiklo at nagsitakas.
Samantala, patay naman ang isang driver makaraang pagbabarilin ng dalawang holdaper na tumangay ng payroll money ng kanilang kumpanya, kamakalawa ng hapon sa Parañaque City.
Dead-on-arrival sa San Juan De Dios Hospital si Deo Salazar, driver/timekeeper ng Multi. Development Construction Corporation (MDCC) sa Lopez Compound, Quirino Ave., Bgy. Tambo, ng naturang lungsod.
Naganap ang panghoholdap dakong alas-2 ng hapon sa tapat ng MDCC sa Quirino Ave. Minamaneho ni Salazar ang service nilang Starex van (WJS-761) kasama ang mga empleyado na sina Reilah Nava, 28 at Arriane Barcenas, 23, nang harangin ng mga suspect na armado ng UZI submachine gun.
Agad na pinaputukan ng mga suspect ang driver at sapilitang tinangay ang P.3 milyon bago tumakas lulan ng isang motorsiklo na kulay berde.