Staff ng Malacañang, boarder inireklamo ng pamboboso

MANILA, Philippines - Dalawang kaso nang paglabag sa karapatan ng mga babae ang naitala kahapon na posibleng danasin rin ng mga estudyante sa kanilang boarding house ngayong magbubukas ang klase.

Kabilang dito ang pamboboso umano ng isang staff ng Malakanyang sa kaboardmate nitong babae sa Maynila.

Ipinagharap ng kasong unjust vexation sa tanggapan ni  C/Insp. Anita Araullo, hepe ng Manila Police District-Women and Children Concern Division (MPD-WCCD) ang suspect na kinilalang si Renante Diamola, 26,   staff ng Internal House Affairs Office sa Malacañang at nanunuluyan sa 5th St., San Beda Subd., Chino Roces, San Miguel, Maynila.

Sa reklamo ng isang 24-anyos na estudyante na itinago sa pangalang “Jane”, nobya ng isang player ng Philippine Basketball League, dakong alas-5:45 ng umaga kahapon nang makita niyang sinisilipan siya ng suspect habang nasa loob siya ng banyo ng kanilang dormitoryo.

Sinabi ng biktima na nakita niyang may naninilip sa kanyang lalaki kaya dali-dali siyang lumabas ng banyo at sa paglabas niya ay inabutan niyang nakatuntong pa sa upuan ang suspect kaya nagsisigaw siya, dahilan upang saklolohan siya ng mga kasama at maaresto ang suspect.

Depensa naman ng sus-pect, natukso lang siya na manilip nang malaman na may naliligo sa banyo.

Samantala, isang Special Education (SPED) teacher naman na itinago sa pangalang “Kris”, 23, anak ng may-ari ng isang boarding house, ang dumulog din sa MPD-WCCD, nang matuklasan na inirerecord sa video ng isang cellphone ang kanyang paliligo, kamakalawa ng gabi.

Dakong alas-9 ng gabi noong Miyerkules nang mapansin niya na may cellphone sa ilalim ng pintuan ng comfort room ng La Pedario boarding house sa Sampaloc, Maynila.

Tinadyakan niya umano ‘yung cellphone at mabilis na tumakbo umano ang may hawak nito.

Kaagad umanong nagbihis ang biktima at nagsumbong sa kaniyang ina, na sumugod sa silid ng mga lalaking boarders, kinompronta  at kinumpiska ang lahat ng kanilang cellphone.

Sa nakitang video footage ng biktima na may 3 minuto umano ang haba, agad na sinumbatan ang may-ari ng cellphone na isang alyas “Ruel”.

Tumanggi si Ruel na may kinalaman siya sa pagvideo at ikinanta ang kaboardmate na isang “Melvin Bobis” umano ang humiram sa kanya ng cellphone.

Nang hanapin ang nabanggit na boarder, nakatakas na ito, matapos mabilis na mag-empake ng mga kagamitan.

Dahil sa mga insidente, pinayuhan ni Araullo ang mga estudyante na nanunuluyan sa dormitoryo o boarding houses  na maging maingat at tiyakin na hindi sila mabibiktima ng mga manyakis.

Show comments