MANILA, Philippines - Muli na namang nabuhay ang kilabot na grupong Alvin Flores robbery gang makaraang salakayin ng mga nalalabing miyembro nito ang isang bodega matapos na magpanggap na mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT), kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Umaabot sa P20,000 cash, mga cellphone at personal na gamit ang natangay ng apat na suspect na nakasuot ng itim na t-shirts na may tatak na SWAT, pantalong maong at armado ng malalakas na kalibre ng baril.
Sa ulat ng pulisya, pinasok ng mga holdaper ang bodega ng Sakuma Logistics Philippines sa may no. 7 Dalandan street, Golden Acres, Brgy. Talon Uno, sa naturang lungsod dakong alas-9:30 ng gabi.
Unang nagpakilala na mga pulis ang mga suspek kaya pinagbuksan ng mga tauhan ng bodega ngunit agad na tinutukan ng baril ang manager na si Josefina de Leon, 50, at tauhan nito na si Lambert dela Cruz, 31.
Sinaktan pa ng mga suspect ang dalawa makaraang bahagyang pumalag sa mga ito at tumangging buksan ang drawer na naglalaman ng pera.
Narekober sa lugar ang mga basyo ng bala ng kalibre .45 at .38 baril na gamit ng mga suspek matapos na magpaputok sa lugar bago tumakas.
Ayon sa pulisya, posible na mga natirang miyembro ng Alvin Flores Gang ang may kagagawan ng panloloob dahil sa kahalintulad na estilo ng pagsalakay.
Matatandaan na napaslang na ng mga otoridad si Alvin Flores noong Oktubre 2009 sa lalawigan ng Cebu ngunit marami pa rin sa mga miyembro ng sindikato nito ang nakalalaya at nagpapalamig lamang sa batas.