MANILA, Philippines - Nadiskubre kahapon na isang retiradong pulis ang isa sa tatlong bangkay na natagpuan kamakailan sa Pasay City.
Katarungan ngayon ang sigaw ng naiwang pamilya ng biktimang si retired SPO1 Emmanuel Gonzales, 56, dating nakatalaga sa Manila Police District-Station 7. Nabatid na kinilala ito ng kanyang pinsan na si Danilo Gomez at mga dating kasamahang pulis habang nakalagak ang bang kay sa Rizal Funeral Homes.
Sa record ng Pasay City police, natagpuan ang bangkay ni Gonzales sa Dominga St. dakong alas-2:50 noong nakaraang Sabado ng madaling-araw halos kasunod ng pagkakatuklas sa dalawa pang bangkay na itinapon naman sa Roxas Blvd. at Aurora Blvd..
Unang nakilala nitong nakaraang Linggo ang dalawang bangkay na sina Glen Ramirez, 27, ng Cabuyao, Laguna; at Derel de Dios, 18, ng Sta. Mesa, Maynila. Kapwa mga miyembro ng Batang City Jail at Bahala na Gang ang dalawang biktima.
Huling nakitang buhay si Gonzales dakong ala-1 ng madaling-araw sa loob ng Station 7 sa MPD sa Abad Santos Avenue sa Tondo, Maynila kung saan kausap nito ang mga dating kasamahan.
Sinabi ni Gomez na dala umano ng pinsang si Gonzales ang P.6 milyong halaga kung saan kasama rito ang kanyang retirement benefits. Dala rin ng biktima ang kotseng Toyota Altis na nawawala rin ngayon kasama ng naturang mga salapi.
Nagtamo ng anim na tama ng bala sa katawan ang biktima, binalutan ng supot na plastic at itinali patalikod ang mga kamay gamit ang kawad ng kuryente.
Naniniwala naman ang Pasay police na posibleng kakilala o malapit rin sa biktima ang pumaslang dito at maaaring pinag-interesan ang dala nitong malaking halaga ng salapi. Patuloy pa rin ang isinasagawang malalimang imbestigasyon upang maresolba ang naturang krimen.