MANILA, Philippines - Kasado na ang may 1,000 unipormado at nakasuot sibilyang miyembro ng Manila Police District (MPD) na idedeploy sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 15.
Bukod pa rito, nakaposisyon din ang spy cameras sa crime-prone at siksikang mga lugar lalo na sa university belt upang makita at mairekord ang mga kaganapan sa lugar tulad ng pandurukot, holdapan at iba pang krimen.
Hindi lamang umano sa oras ng pagbubukas ng klase may nakatutok na mga pulis kundi buong school year at may karagdagan pang 1,000 civilian volunteers na tutulong sa mga pulis sa pagmementine ng kaayusan sa bisinidad ng mga eskwe lahan.
Nagpakalat na rin ng flyers at primers si MPD-station 4, commander Supt. Ramon Pranada na nasa hurisdiksiyon ng university belt, sa mga barangay na kanilang nasasakupan at mga estudyante bilang bahagi ng ‘Oplan Balik Paaralan’.
Nakasaad sa flyers ang “Pag-iwas sa Krimen at Sakuna sa Balik-Eskwela 2010” hinggil sa mga pag-iingat sa kalye, sa mga sasakyan, paunawa sa mga magulang at estudyante para sa kanilang kaligtasan at tips sa kababaihan upang maiwasan ang mabiktima ng krimen.