MANILA, Philippines - Hubo’t hubad nang matagpuan ang bangkay ng isang call center agent na pinaniniwalaang limang buwang buntis, na pinatay sa sakal ng kanyang ka-Facebook at textmate kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City.
Kinilala ang biktimang si Christine Cordova, 30, nanunuluyan sa Sumilang Subd., Bgy. Dalandanan ng lungsod na ito habang naaresto naman ang suspect na si Richard Bicos, 19.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-4:15 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ni Cordova sa comfort room ng Rm. 17 ng Paxton Motel sa McArthur Highway, Bgy. Karuhatan, Valenzuela.
Ayon sa pahayag ni Sheenalyn Talanio, kaibigan ng biktima, nag-text sa kanya si Cordova at sinabing kasama niyang umiinom si Bicos sa McArthur Grill, sa Karuhatan.
Subalit hindi na ito nasundan pa hanggang sa malaman ni Talanio sa mga pulis ang pagkakatagpo sa bangkay ni Cordova sa nasabing motel.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis ay agad namang nadakip si Bicos kung saan nakuha mula rito ang Nokia 3100 na pag-aari ng biktima.
Inaalam pa rin ng pulisya ang tunay na motibo ng pamamaslang.