MANILA, Philippines - Arestado ng Las Piñas City police ang dalawang aktibo at isang retiradong pulis sa isang buy-bust operation ng pinaniniwalaang cocaine, kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.
Kinilala ni Las Piñas police chief, Supt. Noel Mecayer ang mga nahuling suspect na sina SPO2 Roger Sangilan, 45; PO3 Michael Castroverde, 40, kapwa nakatalaga umano sa Camp Crame at ang retiradong pulis na si SPO4 Olegario Perlado, 60.
Nakumpiska sa mga suspect ang tinatayang nasa 50 gramo ng cocaine na nakabalot sa isang plastic bag at ang “boodle money” na ginamit sa operasyon.
Sa ulat ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group, naganap ang operasyon dakong alas-8 kamakalawa ng gabi matapos ang koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nabatid na matagal nang sinusubaybayan ng mga operatiba ang naturang sindikato base sa natatanggap nilang “intelligence report”.
Isang poseur-buyer ang nagpanggap na bibili kung saan isasagawa ang transaksiyon sa Cecile Drive sa Brgy. Talon Dos sa naturang lungsod.
Hindi na nakapalag ang mga suspect nang biglang magsulputan ang mga pulis at mahuli sa kanilang posesyon ang iligal na droga matapos na tanggapin ang marked money mula sa poseur-buyer. Nakapiit ang tatlong pulis sa Las Piñas Detention cell.