MANILA, Philippines - Isang tauhan ng Manila Police District-Traffic Management Group ang inireklamo ng Chinese community na umano’y nangongotong sa kanila sa Binondo, Maynila.
Kasabay nito, pumalag naman ang hepe ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na si Nancy Villanuea kaugnay sa akusasyon ni PO3 Frederick Pastor na ‘kotong enforcers’ ang kanyang mga tauhan partikular sa Soler-Reina Regente Sts. sa Binondo, Maynila.
Ayon kay Villanueva, pawang mga kasinungalingan ang ipinalabas ni Pastor nang sabihin nito na dalawa sa tauhan ng MTPB na nagngangalang Ryan at Magno ang nangongotong sa Binondo samantalang siya (Pastor) ang inirereklamo ng mga negosyanteng Intsik.
Lumilitaw sa imbestigasyon na si Pastor umano ay kumokolekta ng halagang P400 hanggang P500 sa bawat cement mixer na papasok sa Reina Regente patungong Soler kung saan naroon ng konstruksyon ng Puregold bagama’t one-way.
Ipinagbabawal ng mga MTPB enforcer ang pagdaan ng mga mixer sa naturang lugar subalit kung walang MTPB, pinapalusot umano ni Pastor ang may 10 mixer na nagbibigay umano sa nasabing pulis ng halagang P4,000. Iginiit ni Villanueva na hindi umano makatarungan na tawagin ni Pastor na kotong ang kanyang mga tauhan samantalang nakabilad ang mga katawan nito sa araw mapaayos lamang ang daloy ng trapiko.