MANILA, Philippines - Wala pang matukoy na dahilan ang mga awtoridad at kaanak ng isang negosyanteng Intsik na sinasabing nagbigti sa loob ng inookupahang silid sa isang five-star hotel sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawi na si Qui Chunlei, 45, may-asawa, tubong-Shin Shi City, Fukien, People’s Republic of China at pansamantalang nanunuluyan sa Room 1529 Water Front, Manila Pavilion Hotel, Maria Orosa cor. UN Avenue, Ermita, Manila.
Sa ulat ni Det. Joseph Kabigting ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:45 ng hapon nang madiskubre ng mga kaanak na wala nang buhay ang biktima sa loob ng banyo ng hotel.
Sinabi umano sa pulisya nina George Cu at Chen Minan, mga bayaw ng nasawi, na iniwan nila si Qui dakong alas-12 ng tanghali makaraang dumalo sila sa pulong ng asosasyon ng Chinese sa Century Seafood restaurant sa Harrison Plaza, Malate, Manila.
Sa pagbalik nila sa hotel, nakita na lamang umano ng dalawa na nakabitin na si Qui sa banyo, gamit ang asul na tuwalya na nakapulupot sa leeg at nakabitin sa shower curtain.
Patuloy namang inaalam ng pulisya kung may naganap na foul play sa kaso ni Qui matapos walang maibigay na dahilan ang mga kaanak para gawin ng biktima ang pagpapakamatay.