MANILA, Philippines - Apatnapung taong pagkabilanggo ang inihatol ng Quezon City Regional Trial Court sa anim na miyembro ng kilabot na kidnap for ransom gang matapos na mapatunayang nagkasala ito sa pagdukot sa isang negosyanteng tsinoy noong taong 2004.
Sa desisyon ni QC-RTC Judge Luisito Cortez ng branch 85, napatunayang nagkasala sina Mario Patlonag, Antonio Escoton, Jr., Ric Lumacang, Jimmy Malinao, Rex Anthony Portado, at Francisco Mullon dahil sa pagdukot sa isang Vladimir Chuacoco noong Oktubre 6, 2004.
Kasabay nito, pinagbabayad din ni Judge Cortez ang mga akusado ng P555,000, na may anim na porsiyentong interes na bibilangin mula sa araw na naisampa ang kaso noong Oktubre 22, 2004, para sa danyos sibil habang P100,000 naman ang itinakdang danyos para sa moral damages.
Binigyang-diin ng hukom sa isinagawang pagdinig ang pagtukoy ng biktima sa mga salarin sa pamamagitan ng pagtapik niya sa balikat ng mga ito, gayundin ang pagkilala ng asawa ng biktima kay Patlonag na siyang tumanggap ng ransom money kapalit ng kalayaan ng huli.