Mister iniwan ni misis naburyong

MANILA, Philippines - Dahil hindi matang­gap ang pag-iwan sa kanya ng misis, isang mister ang naburyong at tinang­kang sunugin ang sa­riling bahay at saka nagsaksak sa sarili ka­hapon ng umaga sa Caloocan City.

Kinilala ang suspek na si Eduardo Santos, 38, nakatira sa Road 9, GSIS Village, Brgy. Tali­papa ng lungsod na ito.

Ayon sa report, alas-9 ng umaga nang maka­tang­gap ng tawag ang pulisya mula sa mga kapit­bahay ni Santos dahil sa pagwawala nito.

Dahil dito ay mabilis na rumesponde ang grupo ng SWAT at na­abu­tan nga nila si Santos na nasa ibabaw ng bu­bong ng bahay at may hawak na patalim at nagsisigaw na magpa­pa­­kamatay siya kapag hindi bumalik ang kan­yang misis sa kanyang piling.

Tinangkang payapain ng mga pulis ang nabu­buryong na si Santos, ngunit nagtangka itong magsaksak sa sarili at na­agapan naman ng mga awtoridad ang ga­gawin nito.

Bahagyang nasuga­tan sa tiyan si Santos dahil sa pagsaksak nito sa sarili at mabilis itong isinugod sa President Dios­dado Macapagal Memorial Center ng kan­yang mga kaanak.

Ayon pa sa mga kapit­bahay ng biktima, kama­kalawa ng gabi ay ti­nangka ni Santos na su­nugin ang sariling bahay ngunit agad naman itong naagapan ng mga resi­dente ng naturang lugar. Nabatid na naburyong si Santos matapos itong iwan ng kanyang misis.

Show comments