MANILA, Philippines - Nagpalabas ng warrant of arrest ang Quezon City court upang arestuhin si Mrs.Irene Kho, ina ng kontrobersyal na cosmetic doctor Hayden Kho, Jr. dahil sa dalawang bilang ng libel na isinampa rito ng aktres na si Katrina Halili o Ma. Katrina Iren Halili sa tunay na buhay.
Ang pagpapahuli kay Mrs. Kho ay pinalabas ni Judge Luisito Cortez ng QC Regional Trial Court Branch 84 at nirekomenda nitong magpiyansa ang akusado ng halagang P10,000 sa kada bilang ng libel case nito para pansamantalang makalaya.
Nag-ugat ang kaso nang magkomento si Mrs. Kho sa magkahiwalay na TV interviews at akusahan si Halili na isang drug addict at ang aktres umano ang nagturo sa anak na gumamit ng droga.
Noong Agosto 6, 2009, dinismis ni QC Asst. City Prosecutor Rafael Villordon ang kasong ito laban kay Mrs. Kho dahilan sa hindi umano nakakita ang korte ng basehan para idiin sa libel si Mrs Kho.
Gayunman, nagsampa ng petition for review si Halili sa Department of Justice para salungatin ang desisyon ni Villordon. Dahil dito, nag- utos noong Marso 12,2010 si dating DOJ Secretary Agnes Devanadera sa QC prosecutor na maaaring parusahan si Mrs. Kho dahil may basehan para idiin ito sa kaso.