Salvage victim isinako

MANILA, Philippines - Isang hindi pa nakikilalang bangkay ng lalaki ang natagpuang duguan at nakasilid sa isang sako, nakagapos ang mga kamay at paa habang may busal ang bibig at balot ng packaging tape ang mukha saka itinapon sa harap ng lumang tanggapan ng Maynilad Water Services, sa Del Pan, Tondo, Maynila, bago mag­hatinggabi, kamakalawa ng gabi.

Nakasuot na lamang ng itim na brief ang biktima nang matagpuan na inilarawan sa edad na 35 hanggang 40, may taas na 5’4’’ hanggang 5’5’’; katam­taman ang laki ng katawan, may tattoo sa kanang balikat ng pangalang “Bet” habang sa kaliwa naman ay “star”.

Nabatid sa ulat na dakong alas-11 ng gabi ng Huwebes nang matuklasan ang bangkay ng biktima sa loob ng kulay puting sako na may bakas ng dugo.

Nang busisiin ito ay doon tumambad ang katawan ng biktima na nakagapos pa ang mga paa ng elec­trical cord, may tape sa mukha at isang kulay asul na nylon cord naman ang nakapulupot o nakabigti sa leeg nito. Bukod dito tadtad din ng saksak sa likod.

Para sa pagkikilanlan din ng kaanak, isang singsing na may nakatatak na “Janet” ang nakuha sa biktima na nakalagak ngayon sa Cruz Funeral Homes.

Show comments