MANILA, Philippines - Isang van ng Philippine Postal Corporation na naglalaman ng iba’t ibang uri ng liham ang hinaydyak ng limang armadong kalalakihan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay Chief Supt. Banjardi Mantele, district director ng Quezon City Police, nabatid ang insidente makaraang magtungo sa kanilang tanggapan ang mga biktimang empleyado na sina Alejandro Alejandor Jr., 48, driver; at Reynaldo Valenzona, 52, courier, ng Philpost.
Sa imbestigasyon ni PO3 Joy Marcelo, ang insidente ay naganap sa may harap ng Valiant Distributors Inc. na matatagpuan sa 15 Road, Libis, Brgy. Ugong sa lungsod ganap na alas-6:40 ng umaga.
Lumilitaw na minamaneho ni Alejandro ang L-300 close van (SGY-501) kasama si Valenzona, at tinatahak ang naturang lugar nang harangin sila ng isang Nissan Sedan na kulay silver (URS-888).
Tatlo sa mga suspect ang biglang bumaba mula rito na may bitbit ng baril saka tinutukan ang mga biktima bago inagaw ang manibela kay Alejandro.
Matapos nito ay binitbit ng mga suspect ang dalawang biktima at isinakay sa kanilang get away car, kung saan pagsapit sa Buendia Avenue malapit sa EDSA Makati City ay pinababa ang mga huli bago nagsitakas papalayo sa lugar ang mga una.
Sa puntong ito, nagpasya ang mga biktima na dumulog sa malapit na police station ng QCPD partikular sa station 12, para magreklamo.
Nagtataka naman ang awtoridad kung bakit hinaydyak ang naturang sasakyan gayong ang laman nito ay pawang mga sulat lamang.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng pamunuan ng Criminal Investi gation and Detective Unit ng QCPD upang matukoy ang mga suspect sa pamamagitan ng nakuhang plate number.