MANILA, Philippines - Nanguna ang mga expatriates sa listahan ng mga dayuhan na may resident visas sa bansa, ayon sa record mula sa Bureau of Immigration (BI).
Nabatid buhat sa BI alien registration division na noong Mayo 4 ng taong kasalukuyan mayroong 46,241 expatriates na mayroong balidong working visas ang nairehistro ng BI.
Ayon kay Immigration Commissioner Marcelino Libanan ang tumataas na bilang ng expatriates ay patunay na Pilipinas pa rin ang pinipiling investment site ng multinational companies. Nilinaw naman ni BI-Alien Registration Division (ARD) Chief Danilo Almeda na ang expatriates ay binubuo ng mayorya ng mga dayuhan na binigyan ng non-immigrant visas na balido lamang sa itinakdang panahon dahil sa pagtanggi ng mga ito sa permanent visa.
Ang working visa ay may maximum validity ng three years na renewable naman at iniisyu sa mga dayuhan kung saan patuloy umanong tumataas ang bilang ng mga aplikante para sa working visa ng mga nakaraang taon dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga dayuhang negosyante sa bansa.
Idinagdag pa ng BI na ang mga dayuhan ay kinakatigorya na mayroong permanent residents samantalang lumalabas sa record na umaabot sa 31,000 expat ang nasa bansa.
Pangatlo sa listahan ng BI na rehistradong mga dayuhan ay 16,382 permanent residents na kasal sa mga Filipino at 16,501 na iba pa ang may hawak ng student visas.