MANILA, Philippines - Tinamaan ng tear gas ang nanalong alkalde ng Taguig City na si Lani Cayetano maging mga tagasuporta nito makaraan na maiproklama, kahapon ng hapon.Isinugod naman sa pinakamalapit na klinika si Cayetano dahil sa hapdi ng mata at balat dulot ng tear gas.
Sa inisyal na ulat ni Taguig City police chief, Sr. Supt. Camilo Cascolan, katatapos lamang ng proklamasyon ni Cayetano, bise-alkalde na si George Elias at 2nd district Rep. Freddie Tinga dakong alas-4:15 ng hapon nang maganap ang aksidente. Nabatid na dahil sa siksikan, nabangga ang tear gas na nakasabit sa bewang ng isang hindi pa nakikilalang miyembro ng PNP-Regional Mobile Group na nagbibigay ng seguridad sa lugar.
Dahil dito, sumingaw ang tear gas at tinamaan ang maraming mga tao na nagsisiksikan kabilang na si Cayetano na inaalalayan ng mga pulis. Agad namang binuhusan ng mga pulis ng tubig ang mga naapektuhang katao upang matanggal ang pananakit ng mata at balat dulot ng gas.