MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ni Quezon City Mayor Feliciano Belmonte, Jr. ang kumalat na text messages na nagsasabing si Michael Defensor na ang kanyang sinusuportahan at hindi ang kanyang party-mate na si Herbert Bautista para maging kanyang successor.
“Wala itong katotohanan,” pahayag ni Belmonte matapos siyang bumoto sa Christ The King Seminary kahapon dakong alas-9 ng umaga.
Ang outgoing mayor ay tumatakbo bilang congressman sa ika-apat na distrito ng QC, habang ang kanyang anak na si Joy Belmonte naman ay kandidato sa pagka-bise alkalde at running mate ni Bautista.
“Huwag kayong palinlang sa ganitong mga messages na umanoy galing sa inyong mayor o kahit isa sa kanyang staff na humihiling na suportahan si Defensor. Hindi wini-withdraw ni Mayor Belmonte ang kanyang suporta kay Herbert Bautista,” ayon pa sa text messages buhat sa kanyang tanggapan.
Tinawag pa ito ni Belmonte na “politically trickery at its worst.”
Kumpiyansa naman si SB sa tandem ni Bautista at Joy B.
“Naniniwala akong ang aking anak ay most prepared sa kanilang lahat na tumatakbo sa pagka-bise-alkalde. Kilala at tanggap siya saan mang sulok ng Quezon City. Nakita na rin niya ang kabuuan ng lungsod,” dagdag pa ng mayor.