MANILA, Philippines - Arestado ang isang 50-anyos na driver matapos maaktuhan na nagkakabit ng tarpaulin ng isang mayoral candidate sa harapan ng isang public school, sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi, na saklaw na ng paglabag sa Omnibus Election Code o ang illegal Posting of Election Materials.
Nakapiit sa Manila Police District-General Assignment Section (GAS) ang naarestong suspek na si Roberto de Guzman, 50, driver ng Oroqueta St., Sta. Cruz, Maynila.
Sa ulat ni C/Insp. Marcelo Reyes, dakong alas-11:20 ng gabi nang dakpin si De Guzman sa aktong nagkakabit ng tarpaulin ng kandidato sa harapan ng P. Gomez Elementary School na matatagpuan sa P. Guevarra st., Sta. Cruz.
Nakatakas naman ang tatlo pang di nakilalang kasamahan ni De Guzman.
Hawak din ng awtoridad ang limang malalaking tarpaulin na may sukat na 5x 13 colored at may mukha nina Lito Atienza at running mate nito, na narekober kay De Guzman, isang multicab na may plakang JCZ-813, na pinaglalagyan ng mga tarpaulin.