Mayor Binay sinalakay

MANILA, Philippines - Sinalakay   at itinulak si Makati Mayor Jejomar Binay ng isang tagasuporta umano ni mayoralty candidate Erwin Genuino, ng Lakas-Kampi-CMD, makaraang magkagulo sa loob ng isang presinto sa Brgy. Sta. Cruz kahapon.

Nabatid na nag-iinspeksyon si Binay sa mga polling precincts sa lungsod nang humingi ng tulong ang kanilang mga tagasuporta sa isang presinto sa naturang barangay ukol sa iligal na pagpasok ng mga tagasuporta ni Genuino na suot ang “campaign t-shirts” na isang paglabag sa “Fair Elections Act”.

Kinumpirma naman ng mga miyembro ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na kanila nang pinagsabihan ang mga ito ngunit hindi sila pinapansin.

Inatasan naman ni Binay ang mga tauhan ng Makati police na arestuhin ang mga naturang tagasuporta ng kalabang kandidato kung saan isang kaguluhan ang sumiklab. Isa sa mga inaaresto ang sumalakay at itinulak si Binay habang papaalis ito ng naturang lugar. Ilan rin umano sa mga staff ni Binay ang bahagyang na­saktan at nakatakdang magsampa ng kaso.

Show comments