2 sinaksak dahil sa iyak ng bata

MANILA, Philippines - Kapwa nasa malubhang kalagayan ngayon ang isang mag-live-in partner makaraang pagsasaksakin sila ng kanilang kalapit-kuwarto na nabuwisit sa pag-iyak ng kanilang anak na paslit kamakalawa ng hapon sa Marulas, Valenzuela City.

Inoobserbahan ngayon ng mga manggagamot sina Amelia Tesoro, 36, at live-in partner nitong si Randie De Castro, 38, kapwa ng Magsaysay Street, Marulas.

Pinaghahanap naman ngayon ang nakatakas na suspek na si Fernando Lotus, 39, at kalapit kuwarto ng mga biktima.

Sa inisyal na ulat ng Valenzuela Police, naganap ang krimen dakong alas -2:25 ng hapon. Nabatid na lango umano sa alak nang umuwi at natulog si Lotus. Pero nabu­lahaw ang pagnanais niyang makatulog dahil sa malakas na pag-iyak ng paslit na anak nina De Castro at Tesoro.

Nabuwisit ang lasing na suspek kung saan unang kinompronta si Tesoro. Ngunit nang hindi pa rin mapatigil ng babae ang pag-iyak ng anak, dito na pinagsasaksak ni Lotus si Tesoro. Tinangka namang saklolohan ni De Castro ang kinakasama ngunit sinaksak din ito ni Lotus.

Show comments